

Patuloy na ipinagmamalaki ng Lungsod ng Mandaluyong ang husay at galing ng mga atletang Mandaleño matapos muling mag-uwi ng sunod-sunod na medalya at karangalan mula sa iba’t ibang lokal at internasyunal na patimpalak sa isports. Bilang pagkilala sa kanilang mga tagumpay, itinampok ang mga atleta sa Lingguhang Programa ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, sa pangunguna nina Mayor Menchie Abalos at Vice Mayor Anthony Suva.
Kabilang sa mga kinilala ang mga kabataang atleta mula sa Mandaluyong Taekwondo, Karate, at Chess Teams na naghatid ng karangalan sa lungsod sa kani-kanilang mga kompetisyon. Pinarangalan din si Rogelio Antonio Jr., na nagkamit ng tatlong gold at dalawang silver medals sa 24th ASEAN+ Age-Group Chess Championships 2026. Samantala, kinilalang Top 1 Finisher si Allen Medel sa Lingkod Bayani Run ng Civil Service Commission (CSC).
Ang kanilang mga tagumpay ay patunay sa talento, disiplina, at determinasyon ng mga atletang Mandaleño. Patuloy na sinusuportahan ng Pamahalaang Lungsod ang mga atleta sa kanilang pagsusumikap na maabot ang mas mataas na antas ng tagumpay at maghatid ng karangalan sa Mandaluyong.

