

Pormal na lumagda sa isang kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong at ang LoveYourself Inc. noong Monday Morning Program na magpapaigting sa serbisyong medikal na ibinibigay ng Social Hygiene Clinic ng lungsod sa mga indibidwal na may HIV.
Ang mga lumagda sa kasunduan ay sina Mayor Menchie Abalos, Vice Mayor Anthony Suva, LoveYourself Inc. Executive Director Ronvin Pagtakhan at ambassador Pia Wurtzbach-Jauncey, at City Health Department head Dr. Arnold Abalos.
Ayon kay Pagtakhan, ang LoveYourself clinic sa Mandaluyong ay ang pinakamalaking clinic ng foundation at dito ginagamot ang 54% sa kabuuang diagnosed HIV cases ng grupo sa buong Metro Manila.
Kasunod ng paglagda sa kasunduan ay ang panawagan ni Mayor Abalos sa publiko na makiisa sa kampanya ng lungsod at ng foundation sa laban sa HIV at AIDS. Hinikayat din niya na agad magpunta sa Social Hygiene Clinic sa 2nd floor Old Zaniga Health Center, Barangay Old Zaniga ang sino mang nais magpakonsulta o magpa-HIV testing.

