



Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, sa pangunguna nina Mayor Menchie Abalos, Vice Mayor Anthony Suva at mga Konsehal, sa pamamagitan ng City Persons with Disability Affairs Division, ang kauna-unahang programa sa National Capital Region (NCR) na nagbibigay ng Rokid Artificial Intelligence (AI) Glasses para sa mga Mandaleñong may kapansanan sa paningin.
Ang Rokid AI Glasses ang makabagong assistive device na may kakayahan sa real-time na pagsalin sa mahigit 80 wikang direktang naaayon sa kapaligiran, may multimodal AI na kumikilala ng mga bagay, nagbibigay ng agarang sagot mula sa internet at sunod-sunod na direksyon papunta sa destinasyon at point-of-view camera para sa larawan at video mula sa pananaw ng mismong nagsusuot, at iba pang kakayahan na makatutulong sa pagkilos na parang ordinaryong gawain na lang para sa mga maykapansanan.
Patuloy ang Mandaluyong sa pagsagawa ng mga inklusibong hakbang at mga serbisyo para sa mga Mandaleñong may kapansanan, gamit ang teknolohiya at programang tumutugon sa kanilang pangangailangan.

