

Pinangunahan ni Mayor Menchie Abalos ang pormal na pagbubukas ng Neuroscience Center sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ngayong araw, Hulyo 2, 2025. Ang center ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na tugunan ang mental health concerns ng mga Mandaleño, lalo na ang mga kabataan.
Ang Neuroscience Center ay kabilang sa programang Sagip BALISA (“Bantayan at Alamin ang Laman ng Isip at Saloobing may Alinlangan), na inilunsad ng pamahalaang lungsod noong nakaraang taon. Layunin ng programang ito na tulungan ang mga kabataang nakararanas ng problema sa kalusugan ng isip o mental health, kabilang na ang epekto ng online bullying, depresyon, at iba pang problemang emosyonal.
Mayroong mga neurologist, epileptologist, psychiatrist, at psychologists ang nakatalaga sa center na tutulong at gagabay sa mga pasyenteng sasailalim sa programa. Kabilang sa serbisyong ibibigay sa Neuroscience Center ay konsultasyon at counseling upang matiyak na maayos ang pag-aalaga sa mga pasyente.
Ayon kay Mayor Menchie, mahalagang bigyang pansin ang mental health ng mga kabataan sa panahon ngayon.
Sa pagbubukas ng Neuroscience Center, umaasa ang pamahalaang lungsod na mas marami pang kabataang Mandaleño ang matutulungan upang mapanatiling maayos ang kanilang mental health.