Itinampok sa lingguhang programa ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, sa pangunguna nina Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos, ang ilang kabataang Mandaleño na nagkamit ng karangalan sa mga pambansa at pandaigdigang patimpalak sa larangan ng isports.
Kabilang sa mga pinarangalan ang Mandaluyong Karatedo Team, na nag-uwi ng 3 Gold, 1 Silver, at 3 Bronze medals sa katatapos lamang na Shuriedo Cup International Tournament 2024 sa Mall of Asia, at 1 Silver at 2 Bronze medals sa World Karate Federation Asian Youth Open Championship sa Wuhan, China.
Kasama rin sa mga kinilala si Juan Victorio Alejandrino Ongsiako mula sa Barangay Bagong Silang, na itinanghal na kampeon sa 2024 Milo Taekwondo Championships Kyorugi and Poomsae na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.