

Pormal na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong, sa pamumuno nina Mayor Menchie Abalos at Vice Mayor Anthony Suva, ang Operation Listo si KAP (Komunidad at Punong Barangay) program bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapaigting ang paghanda ng mga barangay sa mga trahedya o sakuna.
Ayon kay DILG-Mandaluyong City Director Mary Anne Planas, Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2025-035 ay itinatalaga ang Barangay Development Council bilang Local Disaster Risk Reduction and Management Committee (LDRRMC) sa bawat barangay ng Mandaluyong at may tungkuling mag-apruba ng Disaster Risk Reduction Management Plan at magrekomenda ng mga karagdagang emergency plan.
Ayon naman kay Barangay Barangka Drive Captain Darwin Fernandez na Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Mandaluyong, ang pagtalima sa Operation Listo si KAP ay isang panawagan sa bawat barangay, kapitan, kagawad, tanod at mga volunteer na maging mas handa, mas maagap, at mas responsable lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Tiwala naman si Mayor Menchie na bawat barangay sa lungsod ay makakatugon sa panawagan ng Pangulong Marcos, sa papamagitan ng Listo si KAP program.