Ikinatuwa nina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at ng Sanggunang Panlungsod ang balitang nakamit ng lungsod ang 100% rating sa ginawang Child Friendly Local Governance Audit (CFLGA) 2024 ng Council for the Welfare of Children (CWC).
Ang balita ay inilahad mismo ni CWC Undesecretary Atty. Angelo Tapales na panauhing pandangal sa flag raising ceremony sa lungsod itong Lunes. Sa pagkamit ng 100% rating sa CFLGA ay nakatakda nang igawad sa lugsod ang Seal of Child Friendly Local Governance (SCFLG).
“Isa ang Mandaluyong sa anim na local government unit (LGU) sa buong bansa ang mayroong 100% rating sa CFLGA. Patunay lamang ito na bukod sa child-friendly ang Mandaluyong ay perfect pa sa ginawang CFLGA. Kaya’t ngayon pa lang ay binabati ko po ang buong lungsod,” sabi ni Tapales.
Nagpapasalamat si Mayor Ben sa CWC at sinabing hindi ito makakamit ng lungsod kung hindi nagkakaisa ang lahat ng MandaleÃąo. Kanya ring pinasalamatan ang mga bumubuo ng pamahalaang lungsod, mga magulang at mga children representatives at volunteers sa patuloy nilang pagsuporta sa kampanya laban sa paglabag sa karapatan ng mga bata.
Ibinahagi naman ni Vice Mayor Menchie Abalos na bilang isang Child-Friendly City ay patuloy na gumagawa ng mga programa ang pamahalaang lungsod para mabantayan ang karapatan ng bawat kabataang Mandaleno. Kabilang dito ang inilunsad na BALISA (Bantayan at Alamin ang Laman ng Isip at Saloobing may Alinlangan) program na tutugon sa mental health problems ng mga kabataan, at ang pagsasanay sa mga piling tauhan ng lungsod at mga child representatives kaugnay ng MAKABATA Helpline 1383, kung saan nilagdaan na ang memorandum of understanding ukol dito sa pagitan ng Mandaluyong at ng CWC ngayong Lunes (Disyembre 2, 2024).
Inabisuhan rin ni Vice Mayor Menchie ang mga barangay captains sa buong lungsod na paigtingin ang kani-kanilang mga barangay council for the protection of children (BCPC) sa tulong ng mga LCPC Children Representatives sa pagbuo ng sarili nilang mga ordinansa para labanan ang lahat ng uri ng paglabag sa karapatan ng mga bata kabilang na ang lumalalang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) dulot ng social media.