Pinamunuan ngayong araw (June 11) nila Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos ang pagpapakain ng cake na mayroong micronutrient powder sa mga inang buntis at mga bata kaugnay sa kampanya ng National Nutrition Council (NNC) at Department of Health (DOH) na isulong ang micronutrient supplementation at food fortification para mapuksa ang malnutrisyon sa bansa.
May 810 piraso ng mga chocolate cake, carrot cake at banana cake, na hinaluan ng micronutrient powders, ang ginamit sa 8×16 feet na watawat ng Pilipinas na binuo sa lobby ng Mandaluyong City Hall.
Napiling idisenyo ang watawat ng Pilipinas sa nasabing cake na kaugnay din sa pakikiisa ng pamahalaang lungsod sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12 at sa temang “Araw ng Kalayaan, Kalayaan sa Malnutrisyon.”
Katuwang ang Barangay Malamig sa pamumuno ni Kapitana Cynthia Caluya sa paggawa ng nasabing cake at ang Barangay Nutrition Scholars.
Saksi sa pagbigay ng cake na mayroong micronutrient powder sina NNC-NCR Regional Nutrition Program Coordinator Mila Federizo, DOH-NCR Nutritionist Dietician Josefino Serneo, at iba pang mga kawani ng mga nasabing ahensiya.
Ang aktibidad ay kaisa sa nagpapatuloy na programang pangkalusugan ng pamahalaang lungsod para labanan ang malnustrisyon.