

Pormal na binuksan sa publiko nina Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos ang Mandaluyong Historical Wall Mural na matatagpuan sa kahabaan ng Fabella Road sa Barangay Addition Hills. Ang nasabing mural ay nabuo sa pangunguna ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Cultural Affairs and Tourism Office, katuwang ang A-Plus Paints, National Commission for Culture and the Arts, at mga Collective Guerilla Artists na sina Marianne Gonzales at John Rae Gonzales.
Iginuhit at binigyang kulay sa mural ang ilan sa mga mahalagang kaganapan at mga sumasagisag sa lungsod tulad ng alamat nina Manda at Luyong, ang unang kilos ng himagsikan noong Agosto 29, 1896, San Felipe Neri Church, at ang labandero festival.
Bukod sa layon ng pamahalaang lungsod na mapaganda ang bahaging ito ng Fabella Road, ang proyektong ito ay pakikiisa rin ng Mandaluyong sa pagdiwang ng National Arts Month.